Thursday, August 21, 2014

Wika ng Pagkakaisa

Wika ng Pagkakaisa

Ang wika ay nakatali sa ating kultura at kung sino tayo. Wika rin ang siyang nagbubuklod sa isa’t isa kahit nasaan man tayo.
Ang ating pambansang bayani, si Jose Rizal, ay nagpahayag ng kahalagahan ng pag-ibig sa bansa sa pamamagitan ng pagmamahal sa wikang Filipino.  Sinabi pa niya na ang hindi marunong magmahal sa sariling wika, ay mas masahol pa sa malansang isda!  Hindi maituturing na makabayan ang isang tao kung ikinahihiya niya ang sariling wika.  Ito ay isang bagay na dapat mapagliming mabuti ng mga kababayan natin na walang pagpapahalaga sa sariling wika, pambansa man o rehiyunal.  Nakakalungkot isipin na sa kasalukuyang panahon, marami sa ating mga Pilipino ang higit na humahanga sa mga kababayan nating napakahusay magsalita ng Ingles.
Lahat ng mga Pilipino ay may tungkulin sa pagmamahal sa sinilangang bayan at, natural, sa sariling wika.  Sa wika na lamang siguro natin maaaring makita ang pagkakaiba natin sa ibang mga tao sa mundo, lalo na ngayon na maaaring ibahin o baguhin ang kulay ng ating balat, ang anyo ng ating mukha at kahit na ang hugis ng ating katawan.  Ang wikang Filipino ay ang nalalabing diwa ng ating damdaming makabayan at pambansang pagkakaisa at kailangan natin itong bigyan ng kaukulang pagpapahalaga.

No comments:

Post a Comment