Ang wika ay nakatali sa ating kultura at kung sino tayo. Wika rin ang siyang nagbubuklod sa isa’t isa kahit nasaan man tayo.
Ang ating pambansang bayani, si Jose Rizal, ay nagpahayag
ng kahalagahan ng pag-ibig sa bansa sa pamamagitan ng pagmamahal sa wikang
Filipino. Sinabi pa niya na “ang hindi marunong magmahal sa
sariling wika, ay mas masahol pa sa malansang isda!” Hindi maituturing na makabayan ang isang tao kung
ikinahihiya niya ang sariling wika. Ito ay isang bagay na dapat mapagliming mabuti ng mga
kababayan natin na walang pagpapahalaga sa sariling wika, pambansa man o
rehiyunal. Nakakalungkot isipin na sa kasalukuyang panahon, marami
sa ating mga Pilipino ang higit na humahanga sa mga kababayan nating napakahusay
magsalita ng Ingles.
Lahat ng mga Pilipino ay may tungkulin sa pagmamahal sa
sinilangang bayan at, natural, sa sariling wika. Sa wika na lamang siguro natin maaaring makita ang
pagkakaiba natin sa ibang mga tao sa mundo, lalo na ngayon na maaaring ibahin o
baguhin ang kulay ng ating balat, ang anyo ng ating mukha at kahit na ang hugis
ng ating katawan. Ang wikang Filipino ay ang nalalabing diwa ng ating
damdaming makabayan at pambansang pagkakaisa at kailangan natin itong bigyan ng
kaukulang pagpapahalaga.